
Inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang tax provisions ng panukalang buwagin ang travel tax para sa mga Pilipinong bumibiyahe sa labas ng bansa.
Kasama sa inaprubahang substitute bill ang Travel Tax Abolition Bill na inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Kasunod nito ay isasalang naman sa pagbusisi ng House Committee on Appropriations ang panukala.
Ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo, chairman ng komite, pinakinggan at ikinonsidera nila ang opinyon ng iba’t ibang ahensya kaugnay ng mga programang pinopondohan ng travel tax.
Kabilang dito ang turismo, edukasyon, at kultura na ayon kay Quimbo ay dapat pa ring mapondohan sa ilalim ng national budget.
Ang panukala ay kabilang sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).










