
Cauayan City – Personal na sinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isinasagawang rehabilitasyon ng Piggatan Bridge sa Barangay Piggatan, Alcala, Cagayan.
Kasama ng Pangulo sina Cagayan Governor Edgar Aglipay, Alcala Mayor Christina Ignacio-Antonio, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, at DPWH Region II Assistant Regional Director Ronalyn Ubiña.
Ipinabatid kay Pangulong Marcos ang kasalukuyang kalagayan ng proyekto, kabilang ang pagtatapos at pagbubukas ng pansamantalang detour steel bridge noong nakaraang buwan.
Tinalakay rin ang plano para sa itatayong permanenteng tulay na papalit sa lumang Piggatan Bridge at magsisilbing pangmatagalang solusyon na mas matibay at handa sa epekto ng klima, kasabay ng pagtaas ng daloy ng trapiko sa pambansang lansangan.
Inatasan ng Pangulo ang DPWH na tiyaking maayos ang disenyo at konstruksyon ng kapalit na tulay.
Ayon sa Pangulo, mananatili ang pansamantalang tulay kahit matapos ang bagong tulay upang magsilbing karagdagang lane.
Binigyang-diin ng Pangulo ang mahusay na paggamit ng mga materyales na matagal nang nakaimbak sa DPWH dahil sa mga proyektong hindi natuloy, na ngayon ay nagamit na sa kapaki-pakinabang na paraan.
Sa kabuuan, binigyang-halaga ng pagbisita ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng agarang pagtatayo ng permanenteng Piggatan Bridge upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, mapalakas ang konektibidad sa rehiyon, at masuportahan ang patuloy na pag-unlad ng ekonomiya sa Northern Luzon.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










