
Cauayan City – Nagbigay ng paalala ang Provincial Health Office (PHO) sa publiko kaugnay ng kumakalat na maling ulat tungkol sa umano’y presensya ng Nipah Virus sa bansa.
Sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health Region 02 (DOH), nilinaw ng PHO na wala pang naitatala o nakukumpirmang kaso ng Nipah Virus sa Pilipinas. Gayunman, patuloy umanong nagpapatupad ng mahigpit na pagbabantay ang mga kinauukulang ahensya, partikular sa mga pantalan at paliparan, bilang bahagi ng pinaigting na border monitoring.
Ayon sa PHO at DOH, ang Nipah Virus ay isang zoonotic disease na maaaring maipasa mula sa hayop patungo sa tao. Maaari rin itong kumalat sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa infected na hayop, pagkonsumo ng kontaminadong pagkain, o pakikisalamuha sa taong may sakit.
Pinayuhan ang mamamayan na ipagpatuloy ang wastong kalinisan tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagtiyak sa kaligtasan at kalinisan ng pagkain at kapaligiran, at agarang pagpapakonsulta sa pinakamalapit na health center sakaling makaranas ng mga sintomas gaya ng lagnat, ubo, pagsusuka, pananakit ng ulo, at hirap sa paghinga.
Muli ring nanawagan ang PHO sa mga Cagayano na umasa lamang sa opisyal na pahayag ng mga awtoridad at iwasan ang pagpapalaganap ng hindi beripikadong impormasyon upang maiwasan ang pagkalito, takot, at pangamba sa komunidad.
Source. CAGAYAN PIO
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










