Thursday, February 19, 2026

𝗣𝗣𝗖𝗣𝗢 𝗠𝗔𝗥𝗜𝗜𝗡𝗚 𝗞𝗜𝗡𝗢𝗡𝗗𝗘𝗡𝗔 𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗥𝗜𝗟 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗕𝗔𝗘 𝗦𝗔 𝗕𝗥𝗚𝗬. 𝗦𝗔𝗡 𝗣𝗘𝗗𝗥𝗢 𝗣𝗨𝗘𝗥𝗧𝗢 𝗣𝗥𝗜𝗡𝗖𝗘𝗦𝗔 𝗖𝗜𝗧𝗬

Cauayan City – Mariing kinondena ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang pamamaril sa isang babae na naganap sa kahabaan ng Bayview Road, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City bandang alas-5:28 ng hapon nitong Miyerkules, Pebrero 18, 2026.

Batay sa paunang imbestigasyon at nakuhang CCTV footage, naglalakad ang biktima patungo sa isang malapit na simbahan nang lapitan siya ng suspek mula sa likuran at agad na pinaputukan.

Mabilis na isinugod ang biktima sa ACE Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa katawan.

Agad namang inatasan ni City Director PCOL Cristine M. Tabdi si PMAJ Noel A. Manalo, Officer-in-Charge ng Police Station 1, na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tiyakin ang matibay na pagbuo ng kaso laban sa suspek.

Iniutos din ang pagpapaigting ng operasyon upang matukoy at maaresto ang responsable sa krimen.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng follow-up investigation ang Police Station 1 katuwang ang iba pang yunit ng PPCPO at ang Puerto Princesa City Forensic Unit upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek.

Kabilang sa mga hakbang na isinasagawa ang pagkuha ng mga pahayag ng mga saksi, pakikipag-ugnayan sa mga residente, pangangalap at pagsusuri ng karagdagang CCTV footage sa lugar, at masusing pagproseso sa pinangyarihan ng krimen.

Nag-activate na rin ang PPCPO ng Special Investigation Task Group (SITG) upang pag-isahin at pabilisin ang pangangalap ng ebidensya at impormasyon kaugnay ng insidente.

Tiniyak ng pulisya sa publiko, lalo na sa pamilya ng biktima at sa komunidad, na kanilang gagawin ang lahat upang makamit ang hustisya.

Nanawagan din ang mga awtoridad sa publiko na manatiling kalmado, maging mapagmatyag, at makipagtulungan sa imbestigasyon.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments