CAUAYAN CITY – Patuloy na gumagawa ng mga kaparaanan ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan upang matugunan ang suliranin sa baha tuwing maulang panahon.
Sa Facebook live, sinabi ni Mayor “Jaycee” Caesar Dy Jr. na puspusan ang kanilang pagpupulong kasama ang engineering office upang matukoy ang mga barangay sa syudad na madaling mabaha.
Ilan sa mga barangay na naiulat na binaha matapos ang malalakas na ng pag-ulan ay ang Barangay District 1 at 2, San Fermin, Turayong, at Alicaocao.
Nakitang problema ni Mayor Dy ay ang naiipong tubig sa drainage system kaya mabilis na umangat ang tubig.
Bilang aksyon, kasalukuyan na aniya silang nagsasagawa ng mga konstruksyon sa mga drainage canal gayundin ang paglilinis sa mga ito upang maiwasan ang pagbara.
Hinihiling naman nito sa mga Cauayeño na maging responsable sa pagtatapon ng basura dahil ang mga plastic na itinatapon lamang kung saan saan ay napupunta sa mga canal na siyang bumabara na nagiging sanhi ng pagbaha kapag dumarating ang ulan.