Nasunog nang buhay ang tatlong indibidwal na kinabibilangan ng isang nwebe anyos na bata sa nangyaring sunog sa Brgy. Baybay Lopez, Binmaley noong kalaliman ng gabi ng March 21.
Sa imbestigasyon, alas onse kinse ng gabi nang makita ng witness na si Lina Abania ang sunog sa may kusina ng bahay ng mga biktima. Nang kanya itong lapitan, malaki na pala ang apoy at tinutupok na ang buong bahay. Daglian namang nadamay tatlo pang bahay na katabi nito.
Hindi na nakalabas ang mag-ina na biktima na sina Raquel Perez 42 anyos, Julie Anne Perez nwebe anyos, at 56 anyos na kamag-anak nilang si Lanie Perez na ayon sa mga residente ay nakitulog lang umano sa bahay.
Sa video na kuha ni Lani Vinluan, residente sa lugar at nakatira sa may kalayuan ng sunog, makikita ang malaking apoy na mabilis tumupok sa kabahayan dahil na rin sa may kalakasang ihip ng hangin. Salaysay niya sa iFM Dagupan, pagawaan umano ng furniture ang bahay ng mga biktima. Maaaring nakatulog na ang mga ito kaya hindi namalayan ang sunog at na-trap na ang mga ito. Nagrerenta lang umano ng bahay ang mga biktima doon. Dagdag ng isa pang residente, mabilis ding kumalat sa ibang bahay ang sunog dahil dikit-dikit ang mga ito.
Ligtas at tumangging tumanggap ng medical treatment ang mga nakatira sa ibang nasunog na bahay.
Mag- ala una nang madaling araw ng March 22 nang ideklarang fire out ng BFP Binmaley ang insidente. Kasalukuyang umuugong ang imbestigasyon patungkol sa pinagmulan ng sunog. |πππ’π£ππ¬π¨