1.61% na ER mismatch, maaaring typo error lamang ng mga PPCRV volunteer

Maaaring typo error lamang ang naitalang 1.61% election returns o ERs mismatch ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa 2022 elections.

Ayon kay PPCRV Chairperson Myla Villanueva, bagama’t may naitalang 1.6% na mismatch ay hindi ito nangangahulugan na ang buong balota ay hindi tumutugma.

Aniya, maaaring pagod na ang volunteers kung kaya’t nagkaroon ng typo error dahil dalawang beses namang nagtugma ang mga ito.


Kaugnay nito ay sinabi rin ni acting Commission on Elections (COMELEC) Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na hindi dapat ikabahala ang nakitang mismatch dahil hindi naman ito nakakaapekto sa resulta ng eleksyon.

Dagdag pa ni Laudiangco na mano-manong susuriin ng PPCRV ang kabuuang 240 ERs at muling i-validate at ipoproseso ang mga ito mula sa kanilang mga pinagkukunan kapag natukoy na ang sanhi ng hindi pagkakatugma.

Samantala, umaabot na sa higit na sa 62,000 ang ERs na natanggap ng PPCRV para sa “unofficial parallel count” nito kaugnay sa 2022 national at local elections.

Facebook Comments