*Cauayan City, Isabela*- Umabot sa 21 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na naka-strict quarantine ngayon sa isang pribadong resort sa Bayan ng Cordon, Isabela.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, una ng isinailalim sa quarantine ang nasa 16 OFWs habang ang isa rito ay agad na isinugod sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) matapos makitaan ng ilang sintomas ng COVID-19.
Kanina, dumating ang karagdagang pitong (7) OFW na sinundo sa airport mula sa Pampanga at agad na idiniretso sa isang resort kung saan mananatili ang mga ito sa 14 days quarantine para maiwasan ang posibleng pagkalat ng nasabing sakit.
Nananatili namang gwardiyado ng mga awtoridad ang buong resort para masiguro na walang makakaalis na mga OFW habang sumasailalim ang mga ito sa quarantine.
Ipinag-utos naman ng IATF-Isabela ang hindi na pagpapapasok ng kahit anong uri ng sasakyan mula sa labas ng Probinsya maliban nalang kung ito ay ‘passingby’lamang.