Cauayan City, Isabela- Masayang tinanggap ng 10 magsasaka sa Cauayan City ang tig-P10,000 bilang tulong sa mga ito sa ilalim ng “Tulong Benepisyo para sa Masaganang Ani Program” dahil labis na naapektuhan ang mga ito sa nararanasang pandemya.
Katuwang sa pamimigay ng tulong pinansyal ang Refinitiv, RMN Foundation gayundin ang One Cagayan Valley Agriculture Cooperative.
Ilan naman sa mga masasayang tumanggap sina Rex Matias Mendoza Accad, MaryJane Abique Mendoza, Rommel Maguddayao, Ronnel Mamauag, Victorino Albano Angoluan, Irene Asuncion Angoluan mula sa Barangay Mabantad habang sina Reynaldo Gajeton, Virginia Fernandez, Esmaila Agustin at Ruben Abrigado mula naman sa Barangay Minante Uno.
Ayon kay Remelito Dunca ng OneCagValleyCoop., labis ang kanyang pasasalamat sa RMN Foundation at Refinitiv sa tulong na ibinigay para sa mga napipisil na magiging miyembro ng kanilang kooperatiba.
Sa kabila nito, tatanggap rin ng P8,000 ang mga benepisyaryo bilang dagdag sa naunang P10,000 subalit kailangan na masiguro munang mapag-iibayo ang perang kanilang natanggap na siya namang babantayan ng kooperatiba.
Ang iba sa mga recipient ay paglalaanan para palaguin ang pag-aalaga ng isda sa kanilang fishpond habang ang iba naman ay sa gulay, mais, at palay.
Inaasahan naman na mas marami pang benepisyaryo ang makikinabang sa programa sa mga darating pang mga taon.