Cauayan City, Isabela- Kinilala ng Sangguniang Kabataan Federation ng City of Ilagan ang ambag sa kani-kanilang barangay ng ilang kabataan chairperson matapos mapabilang sa 10 Outstanding Sangguniang Kabataan COVID-19 responders.
Bahagi ng katatapos na selebrasyon ng Linggo ng Kabataan ang pagkilala sa kanilang hindi matatawaran na pagtugon ngayong may pandemya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SK Chairman Melvin Adorable ng Brgy. Sta. Catalina, isang karangalan ang makasama sa listahan ng outstanding kabataan sa kanilang siyudad.
Aniya, hindi siya magsasawang tumulong sa kapwa niya kabataan at iginiit na magpapatuloy pa rin ang kanyang mga nasimulang proyekto katuwang ang miyembro ng kanyang konseho.
Nagpaalala naman ito sa iba pang mga kabataan na huwag magpadala sa takot sa kabila ng humaharap ang lahat sa banta ng mapanganib na virus kundi ipagpatuloy ang bagay na tiyak na magpapaangat sa morale ng mga kabataan.
Samantala, maliban kay Adorable ay kinilala rin ang iba pang SK chairperson mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod gaya nina SK chairman Bryan Lucas Malenab ng Brgy. Alinguigan 2nd, Leymar Valdez ng Brgy. Bigao, Mark Jowel Cantor ng Brgy. Cadu, Jerry Morado Jr. ng Brgy. San Isidro, Richard Mata ng Brgy. Cabisera 4, Bany Jane Riga ng Brgy. Baculod, Felipe Palapuz ng Brgy. Morado, Glenn Jay Valdez ng Brgy. Sta. Isabel Sur, at dating SK chairman Alex Tolentino ng Brgy. Paliueg.
Dahil dito, mas paghuhusayan pa ni Adorable ang kanyang paraan ng pagtulong sa mga kabataan sa kanilang lugar.
Matatandaan na isa si Adorable sa mga kabataan sa buong bansa na nakilala dahil sa kakaibang paraan nito ng pagtulong noong kasagsagan ng pandemya.