*Cauayan City, Isabela*-Umabot na sa 10 katao ang kabilang sa Persons-Under-Investigation na naitala ng Department of Health Region 2 habang tatlo na ang discharged mula sa mga Isolation Room ng Cagayan Valley Medical Center matapos magnegatibo ang mga ito sa resulta ng 2019 Novel Coronavirus.
Ayon kay Regional Director Rio Magpantay ng DOH Region 2, kabilang sa 10 katao ang isang 18 anyos na babae mula sa Cauayan City ang nasa isolation room ng Southern Isabela Medical Center matapos makataan ng ilang sintomas ng hinihinalang Ncov at bumisita sa Hongkong nitong Enero 24 at tatlong araw naman na nanatili sa Macau at umuwi lamang sa Pilipinas nitong Pebrero 5.
Mahigpit naman ang ginagawang hakbang ng Kagawaran ng Kalusugan at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang hindi pagpasok ng nakamamatay na sakit sa Lambak ng Cagayan.
Paglilinaw naman ng DOH Region 2 na wala dapat ipangamba ang publiko dahil wala pang kumpirmadong biktima ng 2019 Ncov sa buong rehiyon.
Hinikayat naman ng nasabing ahensya na manatiling makipag ugnayan sa mga Health Offices para sa mga impormasyong may kaugnayan sa nakamamatay na sakit at maging maingat sa kalusugan.
Umaasa naman ang Kagawaran ng Kalusugan na magiging negatibo ang magiging resulta ng mga pagsusuri sa mga ito upang hindi na madagdagan pa ang kaso ng 2019 Ncov sa bansa.