Nasamsam ng mga tauhan ng Bani Municipal Police Station ang sampung sachet ng hinihinalang shabu sa isinagawang operasyon sa Barangay Tiep, Bani, Pangasinan, nitong Nobyembre 9, 2026.
Isinagawa ang operasyon mula alas-4:32 hanggang alas-6:55 ng umaga sa bisa ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa Bani Police, nakumpiska sa operasyon ang sampung heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na hinihinalang shabu, na may kabuuang timbang na 4.85 gramo at tinatayang halagang 32,980 pesos.
Sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Major Jordan C. Tomas, hepe ng Bani Police Station, isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinakailangang saksi, alinsunod sa itinakda ng batas.
Isusumite naman ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga sa Pangasinan Forensic Unit 1 sa Lingayen para sa laboratory examination bilang bahagi ng kaukulang proseso ng pagsasampa ng kaso.
Ayon sa pulisya, magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa ilegal na droga katuwang ang lokal na pamahalaan at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa bayan ng Bani. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






