Ramdam na ang kapaskuhan sa Sta. Barbara, Pangasinan matapos pormal na simulan ang taunang pagpapailaw sa gusali ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Matiyagang nag-abang ang mga residente sa pagpapailaw sa Christmas Village ng Sta. Barbara MDRRMO gabi noong nakaraang Biyernes, November 6, 2026.
Sa Facebook Live ng naturang ahensiya, makikita ang dagsa ng mga sumubaybay sa aktibidad lalo na ng mga batang sabik na muling maramdaman ang kapaskuhan sa bayan.
Matapos ang countdown, nagningning ang paligid dahil sa makukulay na pailaw na sinamahan pa ng bubble snow.
Kita ang mga magagandang disenyo na nakapaligid sa gusali kabilang na ang giant snowman, christmas tree, at christmas ball, habang ang mismong gusali ay tila isang binalot na malaking regalo.
Matapos ang ginawang pagpapailaw ay tiyak na muling magliliwanag ang bawat gabi ng mga taga Sta. Barbara, dahil higit sa mga pailaw na ito ay ang muling pag-iipon ng alaala ng bawat pamilyang sama-samang ipinagdiriwang ang kapaskuhan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







