Arestado ang isang indibidwal na itinuturong suspek sa pagkamatay ng isang lalaki na natagpuang wala nang buhay sa isang ilog sa Barangay Sagunto, Sison, Pangasinan.
Ayon kay PMAJ Jervel O. Rillorta, Chief of Police ng PNP Sison, umaga noong Nobyembre 7, 2026, rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagkakatagpo sa bangkay ng biktima sa Purok 6 ng nasabing barangay.
Nagtamo umano ang biktima ng mga sugat mula sa matalim na bagay sa ulo at mga braso.
Batay sa kanilang imbestigasyon, nagkaroon umano ng pisikal na alitan ang biktima at ang suspek malapit sa Barangay Hall noong gabi ng Nobyembre 6 bago ang nangyaring insidente.
Dagdag ni Rillorta, inamin umano ng suspek sa kaniyang mga anak bago ito umalis sa kanilang tahanan, umaga ng Nobyembre 7, na nagkaroon pa sila ng engkwentro ng biktima.
Agad namang nagsagawa ng follow-up investigation at hot pursuit operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa bayan ng Agoo, La Union.
Sa isinagawang crime scene processing ng Scene of the Crime Operatives o SOCO, narekober sa lugar ang isang itak na pinaniniwalaang ginamit sa insidente, gayundin ang isang pustiso na umano’y pag-aari ng naarestong indibidwal. Ang mga ito ay isinailalim sa kaukulang pagsusuri bilang bahagi ng imbestigasyon.
Samantala, naihain na sa korte ang kasong Murder laban sa suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Sison Municipal Police Station habang hinihintay ang Commitment Order para sa paglilipat sa kanya sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








