100 Contact Tracers, Idineploy ng City of Ilagan

Cauayan City, Isabela- Nagsimula nang ideploy ng pamahalaang panlungsod ng Ilagan ang karagdagang 100 Contact Tracers upang tumulong sa kasalukuyang contact tracing sa mga naging close at secondary contacts ng mga nagpositibo.

Ayon sa naging pahayag ni City Mayor Jay Diaz, ikinalulungkot nito ang nararanasan ngayon ng kanyang nasasakupan dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19.

Dahil dito, nagpakalat na ang alkalde ng mga karagdagang contact tracers upang mas mapabilis ang pagtukoy sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo at mailagay ang mga ito sa mga inihandang isolation area.


Ibinahagi ng alkalde na mayroon pang isolation facilities na inihanda ng pamahalaang panlungsod na kayang mag-accommodate ng 50 katao at kasalukuyan pang may limang (5) ginagawang karagdagang quarantine facilities.

Aminado ang alkalde na hirap ang mga contact tracers sa pagtukoy sa mga naging direct contact ng mga covid-19 Positive maging ang mga nakasalamuha ng kanilang pamilya.

Hirap din aniya ang alkalde at mga law enforcers dahil ilan sa mga Ilagueño ay hindi nakikiisa at sumusunod sa ipinatutupad na health protocols gaya ng pag self-quarantine.

Kaugnay nito, kanyang binabalaan at may kalalagyan ang sinumang lalabag at hindi susunod sa health and safety protocol.

Muli nitong ipinaalala na kung walang importanteng bibilhin o gagawin sa labas ay manatili na lamang sa bahay at ugaliin ang pagsusuot ng face mask, face shield at pag-obserba sa social distancing.

*Tags: 98.5 ifm cauayan, ifm cauayan, cauayan city, isabela, luzon, city of ilagan, *City Mayor Jay Diaz, covid19,

Facebook Comments