10K DOSES NG COVID-19 VACCINES SA CAUAYAN CITY, POSIBLENG MASAYANG

Cauayan City, Isabela- Nasa sampung libong doses pa ng COVID-19 vaccines ang kailangang maiturok at maipaubos ng City health office dito sa Lungsod ng Cauayan.

Sa ating naging Panayam kay Ms. Vianney Uy, Nurse 1 ng CHO, sobra-sobra na aniya ang mga bakuna ngayon kontra covid-19 dito sa lungsod ng Cauayan kaya problema na rin nila kung paano nila ito ubusin.

Ilan kasi sa mga bakuna ay malapit nang mag-expire sa Abril kaya sayang naman aniya kung ididispose lang at hindi mapapakinabangan.

Dahil naman sa sobrang supply ng bakuna at para ito ay mabawasan ay nagsasagawa na ngayon ng house to house vaccination ang ating mga vaccinators mula CHO 1 at 2 para sa ganon ay mahanap o masuyod yung mga taong hindi pa nabakunahan na pasok sa edad ng mga pwedeng mabakunahan.

Ayon pa kay Ms. Vianney na isa rin sa mga nagtutungo sa mga barangay dito sa Lungsod para magbakuna ay kung ayaw aniya ng isang tao na mabakunahan ay hindi nila ito pipilitin pero meron lamang silang pipirmahan na form para isulat yung kanilang rason kung bakit ayaw nilang magpabakuna.

Kumpletong brand naman ng covid vaccine ang meron ngayon dito sa Cauayan kaya nakakapili na ng brand ang mga nagpapabakuna.

Sa kasalukuyan ay nasa 93.4 percent na ang nabakunahan ng first dose sa total population ng Cauayan City habang nasa 87.6 percent naman ang nabigyan na ng second dose o maituturing na fully vaccinated.

Sa kabuuan, nasa mahigit 12 percent pa sa populasyon ng Cauayan City ang kailangang mabakunahan para maabot ang 100 percent na target vaccination rate habang nasa 7 percent pa ang kailangang mabigyan ng second dose.

Samantala, itinigil na ng CHO ang naumpisahang Drive Thru vaccination sa kanilang tanggapan dahil sa hindi lamang din umano ito nasusunod na kung saan ay bumababa pa rin naman mula sa sasakyan ang mga sakay at drayber kaya maituturing pa rin itong walk in.

Kaugnay nito ay patuloy na nananawagan ang tanggapan ng CHO sa mga hindi pa nabakunahan o di kaya’y hindi pa fully vaccinated na magtungo lamang sa kanilang tanggapan o di kaya ay sa mga dating vaccination sites.

Facebook Comments