
Nasa 10,000 tricycle drivers sa Maynila ang inaasahang makakatanggap ng tig-P5,000 fuel subsidy simula sa susunod na linggo.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na serye ng oil price hike dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, pinagsusumite na sila nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Executive Secretary Ralph Recto ng listahan ng mga transport operator at driver bilang paghahanda sa pamamahagi ng subsidiya.
Ipapamahagi ang P5,000 ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development, kung saan sunod na makakatanggap ang mga driver ng jeep, bus, taxi, at Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Kaninang umaga naman ay nagsagawa ng sorpresang inspeksiyon ang alkalde sa isang gasolinahan sa distrito ng Santa Cruz, Manila upang tiyaking nasusunod ang tamang presyo ng petrolyo.
Nagbabala rin ang lokal na pamahalaan sa mga gasolinahan na maaari silang ipasara kung hindi susunod sa itinakdang price adjustments ng Department of Energy (DOE).










