Umakyat na sa 11 ang bilang ng nasawing mga elepante sa isang talon sa Khao Yai National Park sa Thailand.
Nakita mula sa drone footage ang lima pang katawan sa ibaba ng Haew Narok, kung saan namatay kamakailan lang ang anim pang elepante, ayon kay Nakhon Nayok Gov. Natthapong Sirichana nitong Martes.
Nito lamang Sabado, anim ang nahulog at namatay matapos ang umano’y tangkang pagligtas ng limang matatanda sa 3-taon gulang na elepante na naiwan sa kabilang bahagi ng 150-metrong talon.
Sinusubukan nang kuhanin ng mga opisyal ng parke at volunteers ang mga katawan para maiwasang makontamina ang tubig.
Ito na ang pinakamaraming bilang ng namatay na elepante sa national park, ayon sa awtoridad, sunod sa walong naitala noong 1992.
Ayon sa mga lokal na pahayagan, isa hanggang dalawa sa 300 populasyon ng elepante sa parke ang nahuhulog mula sa talon bawat taon.