Hiniling ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa Senado na aksyunan ang natitirang priority bills ng administrasyong Duterte na nakabinbin sa mataas na kapulungan.
Sa liham na ipinadala nito kay Senate President Vicente Sotto III, sinabi ni Arroyo na umaasa ang Kamara na maihahabol ang 11 priority bills bago matapos ang 17th Congress.
Kabilang dito ang Security of Tenure Bill, National Land Use Bill, Department of Disaster Resilience Bill, tax reform bills, resolusyon na nagsusulong ng pagbabago sa 1987 Constitution, at ang panukalang ibaba ang edad ng pananagutan.
Ihahabol rin ng Kamara ang panukala para sa paglikha ng Coconut Industry Trust Fund na maaprubahan muli sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na Linggo.
Matatandaang na-veto ni Pang. Duterte ang original version ng nasabing bill na naglalayong lumikha ng P100-billion trust fund para sa pakinabang ng mga magniniyog, dahil sa umano’y kawalan ng safeguards.