Inalis sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa ang 11 pulis ng San Jan Jose Del Monte, Bulacan dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay nitong Pebrero.
Ayon kay Gamboa, nasa ilalim ngayon sa restrictive custody ang mga pulis na una nang nasampahan ng kaso sa Department of Justice (DOJ).
Ito ay sina CDEU Chief, Police Major Leo Commendador Dela Rosa, at mga tauhan nitong sina Police Staff Sergeants Benjie Enconado, Jayson Legaspi, Irwin Yuson, Edmund Catubay Jr.; Police Corporals Jay Leoncio, Herbert Hernandez, Raymond Bayan, Raul Malgapo; and Patrolmen Erwin Sabido at Rusco Madla.
Siniguro naman ni Gamboa ang buong kooperasyon at suporta ng PNP sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa isinasagawang imbestigasyon sa 11 miyembro ng City Drug Enforcement Unit ng San Jose Del Monte City Police Station na nameke umano ng report sa buy-bust operation kung saan anim ang patay matapos ang engkwentro.
Una nang sinabi ng Bulacan Police na drug suspek ang anim at namatay dahil sa palitan ng putok matapos magtangkang tumakas.
Sinabi ni Gamboa, hindi nila kukunsintihin ang ganitong gawain, aniya mananagot ang mga pulis sa kanilang ginawa.