Nabuhay sa 1918-19 flu pandemic, sa 1936-39 Spanish Civil War, at ngayon nalampasan naman ng isang 113-anyos babae ang coronavirus.
Naiulat na gumaling sa COVID-19 si Maria Branyas, na pinaniniwalaan ding pinakamatandang babae sa Spain, matapos masuring tinamaan ng sakit noong Abril.
Ilang linggong nanatili sa isang care home si Branyas bago makarekober sa naranasang mild symptoms, at tuluyang magnegatibo sa virus, ayon sa La Vanguardia.
“Now she is fine, she is willing to talk, to explain, to think, she is herself again,” saad ng anak na si Rosa Moret sa Twitter na ginawa para kay Branyas.
Ipinanganak ang supercentenarian survivor sa Mexico noong 1907, at lumipat sa Spain noong 1915 dahil sa trabaho ng journalist na ama na pumanaw sa tuberculosis.
Nabiyayaan si Branyas ng tatlong anak — isa rito ay 86-anyos na — 11 na apo — na ang pinakamatanda ay 60 — at 13 na apo sa tuhod.
Dalawang dekada na siyang naninirahan sa care home sa siyudad ng Olot.