Inilagay ng Land Transportation Office (LTO) sa heightened alert ang mga paghahanda nito para sa panahon ng Semana Santa at bakasyon.
Magsisimula ito sa March 31, Biyernes, hanggang Abril 10 ng kasalukuyang taon.
Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, imo-monitor nila ang pangkalahatang kaligtasan sa lansangan kabilang ang roadworthiness inspection sa mga bibiyaheng public utility vehicle (PUV) gayundin ng mga terminal at ang pag-alalay sa mga motorista.
Magsasagawa rin ang mga tauhan ng LTO ng random drug testing sa mga drayber at konduktor ng mga PUV.
Tiniyak ni LTO Chief Tugade ang mahigpit na ipatutupad ang pagpapatupad ng LTO ng mga traffic code at iba pang kaugnay na mga batas at tiyak na huhulihin ang mga lumalabag.
Maliban sa mga pangunahing lansangan sa hilaga at katimugang bahagi ng National Capital Region, kikilos at magbabantay sa mga istratehikong lugar o terminal ang mga tauhan ng LTO sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.