Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng ₱12.47 bilyong pondo para sa transformation at digitalization sa mga proseso at transaksyon sa gobyerno.
Sa isinagawang Development Budget Coordination Committee briefing kahapon sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na batay sa ilalim ng 2023 national budget makikita na pinapahalagahan ng gobyerno ang information and communications technology (ICT) para sa new normal.
Paliwanag ni Secretary Pangandaman, ang ilalaang pondo sa digitalization ay para mas maging epektibo at mabilis ang mga trabaho sa gobyerno partikular ang pangongolekta ng mga fee at tax sa pamamagitan ng mga digital channels.
Ito aniya ay may koneksyon sa pinirmahang Executive Order No. 170 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ito ang “The Adoption of Digital Payments for Government Disbursements and Collections”.
Sa ngayon ayon sa kalihim, natapos na ang implementing rules and regulations o IRR at nagkakaroon na lamang ng konsultasyon para sa pagpapatupad ng digitalization sa mga government frontline agencies bago tuluyang maipatupad ang digitalization na isa sa priority program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.