Davao City – Pormal nang kinasuhan ng Office of the Ombudsman ang 12 opisyal ng Department of Agriculture sa Davao City kaugnay ng maanomalyang bidding ng higit tatlong milyong pisong halaga ng disinfectant products noong 2012.
Kasong paglabag sa RA 3019 o anti-graft and corrupt practices act ang isinampa kina DA Regional Executive Director Constancio Maghanoy Jr., bids and awards committee chairman Isagani Basco at Vice Chairperson Alma Mahinay.
Dawit din ang mga miyembrong sina Alfredo Cayabyab, Rafael Mercado, Larry Pineda, Herna Palma, Rosalinda Mediano, Melani Provido, Isabelita Buduan, Lelisa Lascuña at Marie Ann Constantino.
Base sa reklamong inihain ng Ombudsman sa Sandiganbayan, nagbigay ng “unwarranted benefits and advantage” ang mga opisyal sa kompanyang FKA Agri-Chemical sa pagbili ng 38 drum ng disinfectant sa halagang P3, 040, 000.
Sa kabila ito ng mas mababang bid na pwedeng makuha sa Santitation Concepts Inc. sa halagang P2, 647, 308.
Nagrekomenda naman ang Ombudsman ng kabuuang P60, 000 na piyansa kada opisyal.