Cauayan City, Isabela- Nagtamo ng tama ng bala ng baril ang isang 13-anyos na dalagita na umakyat sa bubong ng bahay makaraang paputukan siya ng suspek sa Brgy. Samonte, Quezon, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Quezon, kinilala ang suspek na si Zacarias Sadoy, 73-anyos at residente sa nabanggit na lugar.
Dakong alas-2:30 ng madaling araw noong July 1 habang natutulog ang suspek ay nakarinig umano ito ng mga yapak sa bubong ng kanilang bahay dahil sa pag-aakalang magnanakaw ito dahil noong nakalipas na buwan ng manakawan ng cellphone si Sadoy.
Laking gulat ng suspek nag makita niya ang isang tao sa bubungan kaya’t nagpaputok umano ito ng dalawang beses hanggang ng makatayo ang tao sa bubong ay kaagad niya itong binaril dahil sa inakalang may bitbit rin itong baril.
Ayon pa sa pagsisiyasat, napag-alaman na dalagita pala ang nabaril na duguan ang buong katawan matapos tamaan sa kanyang tiyan na agad ring isinugod sa pagamutan para malunasan.
Nadiskubre naman ng mga awtoridad ang isang bag na may lamang kutsilyo at gwantes na pagmamay-ari umano ng biktima.
Palaisipan naman sa mga magulang ng biktima kung paano napunta sa bubong ang anak at kung ano ang ginagawa ng dalagita.
Sa ngayon ay nasa maayos ng kalagayan ang biktima matapos sumailalim sa operasyon.
Ikinustodiya na ng PNP Quezon si Sadoy na posibleng maharap sa kasong frustrated homicide habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.