Cauayan City, Isabela- Labing tatlong (13) munisipalidad sa buong rehiyon dos ang napili na lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) para sa ipinapanukalang programa na pinangalanang Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services National Community Driven Development Program o KALAHI CIDSS NCDDP.
Ang 13 Local Government Unit’s (LGU) na napili ng DSWD Region 2 para sa nasabing programa ay kinabibilangan ng mga bayan ng Benito Soliven, Divilacan, San Mariano, San Guillermo, Santa Maria, Santo Tomas, at Palanan sa Isabela; Ambaguio at Kayapa sa Nueva Vizcaya; Itabayat at Sabtang sa Batanes; at Calayan at Rizal sa Cagayan.
Sakaling maaprubahan ang naturang panukala, iimplimenta na ito sa susunod na taong 2020 kung saan magkakaroon ng oportunidad ang mga napiling bayan na alamin ang mga pangunahing problema at kung ano ang gagawing solusyon para matugunan ang hinaing.
Napili sa naturang panukala ang mga nasabing bayan dahil sa kawalan at kakulangan ng mga imprastraktura gaya ng paaralan, day care centers, pagamutan, irigasyon at hindi maayos na kalsada.
Naniniwala naman ang DSWD sa programa na magsisilbing stratehiya upang matulungan ang mga mamamayan na mabigyan ng solusyon ang mga problema sa kanilang komunidad upang magkaroon ng komportableng pamumuhay.
Bago pa man nagkaroon ng MOA signing, nagsagawa muna ng oryentasyon ang nasabing ahensya sa pangunguna ni Assistant Regional Director for Operations Ms. Lucia S. Alan upang ipabatid kung ano ang kagandahan at layunin ng nasabing programa.