Muling binuksan sa publiko ang Maples River sa bayan ng Aguilar, Pangasinan, matapos ang ilang linggong pagsasaayos ng mga pasilidad, bilang pasyalan para sa mga residente at turista, ayon sa anunsyo ng lokal na pamahalaan kahapon, 11 ng Marso.
Ayon sa pamunuan, bukas ang Maples River mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi lamang.
Mayroon ding ₱50 environmental fee para sa mga bibisita habang libre naman ang mga batang pitong taong gulang pababa.
Pinapaalalahanan din ang mga bisita na magdala ng valid ID na may address bilang requirement sa pagpasok at para na rin sa maayos na pagkakakilanlan.
Layunin ng pagbubukas ng Maples River na mas mapalago pa ang turismo sa lugar at maipakita ang likas na ganda ng kalikasan sa Aguilar.
Kasabay nito, ipinagdiriwang din sa nasabing bayan ang Ansakket Festival na magtatagal hanggang 21 ngayong buwan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










