Pinasalamatan ang Pangulong Duterte ng mga abogado, staff at forensic team ng Public Attorney’s Office (PAO) matapos ang pag-veto nito sa anila’y illegal insertion nina Senators Franklin Drilon at Sonny Angara sa kanilang budget para sa 2021.
Partikular ang isiningit na special provision sa General Appropriations Act (GAA) 2021 na nagbabawal sa PAO na gamitin nito ang kanilang personnel services at Maintainance and Operating and other Expenses (MOOE) kung saan ang operasyon ng PAO forensic laboratory ang unang tatamaan.
Ayon kay PAO Chief Atty. Persida Rueda-Acosta, 13 milyon na mga kliyente nila ang naisalba sa naging hakbang ng pangulo kung saan pinairal aniya ng Presidente ang Rule of Law at Supremacy ng constitution.
Ito ay sa pamamagitan ng kanyang sovereign veto powers laban sa itinuturing na inappropriate and illegal riders.
Hindi lamang mga biktima ng Dengvaxia anti-dengue vaccine ang tinutulungan ng PAO kundi maging ang mga mahihirap na biktima ng krimen.
Una nang lumiham kay Pangulong Duterte si Atty. Acosta para hilingin ang pag-veto special provision sa GAA 2021.