13 na COVID-19 vaccination sites, itinalaga ng Lokal na Pamahalaan ng Pasay

Nasa 13 eskwelahan at mga barangay covered court ang itinalaga ng Lokal na Pamahalaan bilang mga COVID-19 vaccination sites.

Ayon kay City Health Office Assistant Head Ma. Lourdes San Juan, bukod sa apat na hospital sa lungsod, ang mga itinalagang eskwelahan at covered court bilang vaccination sites ay malaking tulong para mabilis na maipamahagi ang bakuna.

Bukod dito, sinabi pa ni San Juan na nakikipag-ugnayan na ang Pasay Local Government Unit (LGU) sa pamunuan ng simbahan para sa karagdagang lugar kung saan maaaring gawin ang vaccination program.


Dagdag pa ni San Juan, target nilang mabigyan ang nasa 130,000 na residente na kabilang sa mga prayoridad na sektor kasama ang mga health care workers, senior citizens, indigent at uniformed personnel.

Ayon pa kay San Juan, tinatayang aabot lamang ng 22 araw ang pagbabakuna sa mga nasa priority list sakaling dumating na ang biniling bakuna.

Makakatuwang ng Pasay LGU ang Orca Cold Chain Solutions para sa storage at pagde-deliver ng mga bakuna.

Inihayag naman ni Mayor Imelda Calixto-Rubiano na sa ilalim ng kanilang compensation system, makakatanggap ng P30,000 na cash assistance ang pasyente na makakaranas ng side effects matapos silang mabakunahan kontra COVID-19.

Facebook Comments