13 na premium taxi, nasampolan sa isinagawang anti-colorum operations ng LTFRB

Labintatlong premium taxi ang hinuli ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagpapatuloy ng anti-colorum operation simula noong Marso.

Kabilang sa mga hinuling mga colorum na premium taxi ay napabalitang nagpapabayad ng “per ulo” o kada pasahero taliwas sa orihinal nitong operasyon na dapat ay meter-based ang kanilang pamasahe.

Nahuli ang walong premium taxi ngayong buwan, kabilang ang 4 na na-impound kahapon.


Lima naman ang nahuli sa magkakahiwalay na operasyon noong Marso at Abril.

Sa 13 na na-impound, 12 ang galing sa G.V. Daraman Transport habang ang isa ay unit ng SRRCA Araneta Transport Corp.

Ang premium taxi ay bahagi ng Taxi Modernization Program ng Department of Transportation (DOTr).

Bagamat ang taxi unit ay karaniwang sedan-type na sasakyan, ang premium taxi ay maaaring isang Multi-Purpose Van (MPV), Utility Van (UV), o Sports Utility Vehicle (SUV) at nakabase rin sa metro ang kanilang pamasahe tulad ng isang ordinary taxi.

Papatawan ng multa ng hanggang ₱200,000 ang mga operator ng naturang mga premium taxi at mananatiling naka-impound ang mga naturang sasakyan ng hanggang tatlong (3) buwan matapos mabayaran ang multa, base sa Joint Administrative Order 2014-01.

Posible ring matanggalan ng CPC ang operator ng mga naturang premium taxi.

Muli namang pinaalalahanan ng LTFRB ang publiko na huwag tangkilikin ang mga colorum na Public Utility Vehicle (PUV) upang maiwasan ang aberya sa biyahe.

Facebook Comments