Nagbabala si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal sa mga pasaherong sasakay ng eroplano na huwag nang ipilit ang pagsakay sa kanilang flights kapag sila ay positibo sa COVID-19.
Kasunod ito ng pagkakahuli sa 138 na pasahero ng international flights na nagtangkang sumakay ng eroplano kahit sila ay COVID positive.
Ilan aniya sa mga pasahero ay nagpapalusot na hindi nila alam na sila ay positibo sa virus habang ang ilan ay nangangatwiran na nasa airport na sila nang malaman nila na positibo ang resulta ng kanilang COVID test.
Ang mga nagpopositibong pasahero ay dinadala naman sa isolation areas ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals habang nakikipag-ugnayan sa Local Government Units (LGUs) ang MIAA authorities para sunduin ang mga pasaherong hindi pinasakay ng eroplano.
Nagbabala si Monreal na hindi makakalusot ang mga pasaherong positibo sa COVID-19 dahil mahigpit ang protocols na pinaiiral sa NAIA.
Tiniyak din ng MIAA na patuloy ang kanilang regular na disinfection sa NAIA Terminals at mga pasilidad ng paliparan.