Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na walang pipiliin at lahat ay kasama o inclusive ang listahan ng small rice retailers na makikinabang sa ayuda sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Ito mismo ang naging direktiba ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. kay Secretary Rex Gatchalian.
Sa pulong ni DSWD Sec. Gatchalian sa ilang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI), napagkasunduang kasama sa makakatanggap ng ₱15,000 cash aid ang mga rice retailer sa mga wet market, public market at iba pang lugar na pinagbibilhan ng publiko maliban sa supermarkets at convenience store.
Habang ang mga sari-sari stores na nasa labas ng palengke ay eligible rin sa ₱5,000 SLP subsidy.
Batay sa guidelines ng DTI, kabilang sa kondisyon ng one time assistance ay dapat na ang mga retailer at sari-sari store ay may lisensya mula sa Business Permits and Licensing Office (BPLO) at nagbebenta ng ₱41 kada kilo na regular milled rice at ₱45 kada kilong well milled rice sa surveillance at monitoring ng DTI.
Dapat ring rehistrado ang mga retailers sa DTI bilang sole proprietors at retailers at maging sa Securities and Exchange Commission (SEC)
May ayuda rin maging ang mga unlicensed retailers at sari-sari stores sa kondisyong nagaalok sila ng ₱41 at ₱45 kada kilo ng bigas sa monitoring ng DTI.
Kaugnay nito, itinalaga sa DTI Fair Trade Enforcement Bureau (DTI-FTEB) ang pagsasapinal ng listahan para sa rice retailers sa NCR habang ang DTI Regional Operations Group (DTI-ROG) naman ang mag-aasikaso sa listahan ng mga retailer sa labas ng Metro Manila.
Ang DTI Bureau of Small and Medium Enterprise Development (DTI-BSMED) naman ang mangunguna sa paghahanda ng listahan para sa mga kwalipikadong sari-sari store recipient.