14 BAGONG PROYEKTO, NAKATAKDANGMAISAKATUPARAN SA MANAOAG AT SAN JACINTO

Labing-apat na bagong proyekto ang nakatakdang ipatupad ngayong taon sa mga bayan ng Manaoag at San Jacinto sa ikaapat na distrito ng Pangasinan, na layong mapalakas ang mga pasilidad at imprastraktura na direktang pakikinabangan ng mga residente.

Kabilang dito ang sampung multi-purpose building at apat na pangunahing proyekto sa kalsada.

Sa San Jacinto, itatayo ang mga multi-purpose building sa Barangay Macayug, Awai, Bolo at Labney.

Samantala, sa Manaoag, kabilang sa mga barangay na makikinabang sa bagong mga gusali ang Bucao, Calaocan, Licsi, Matulong, Pao at Poblacion.

Maaari namang gamitin ang mga multi-purpose building bilang barangay hall, covered court o gym, day-care center, health center, o iba pang pasilidad, depende sa pangangailangan ng bawat komunidad.

Kasama rin sa mga proyekto ang pagpapagawa ng Tebuel, Oraan East at Banaoang Roads sa Manaoag, gayundin ang farm-to-market road sa Barangay Casibong sa San Jacinto.

Ayon kay 4th District Congresswoman Manay Gina de Venecia, mahalagang maituon ang mga proyekto sa mga pasilidad at kalsadang may direktang pakinabang sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na nangangailangan ng mas maayos na access at pampublikong pasilidad.

Binigyang-diin din niya na ang mga ganitong proyekto ay hindi lamang tungkol sa pagtatayo ng gusali o kalsada, kundi sa pagbibigay ng mas maayos na espasyo para sa mga serbisyo ng barangay at mas ligtas at episyenteng pagbiyahe ng mga residente.

Sa pagpapatupad ng mga proyekto, inaasahang makatutulong ang mga ito sa pagpapabuti ng pangunahing serbisyo, koneksyon ng mga barangay at pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan sa Manaoag at San Jacinto. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments