Kasunod ito ng mga insidente ng pagbaha na naranasan sa ilang bahagi ng Bauang dahil sa epekto ng Habagat nitong mga nakaraang buwan, na nakaapekto sa mga kabahayan at maging sa daloy ng trapiko sa national highway.
Sa isinagawang pagpupulong noong Setyembre 16, 2026, pinag-usapan ng LGU Bauang kasama ang mga kinatawan ng DPWH Central Office, DPWH Region 1 at DPWH La Union 2nd District Engineering Office ang kondisyon ng mga lugar na madalas bahain.
Inilahad din ng lokal na pamahalaan ang resulta ng isinagawang assessment upang matukoy ang mga pangunahing dahilan kung bakit naiipon o umaapaw ang tubig sa ilang bahagi ng bayan.
Kabilang sa mga problemang binigyang-pansin ang kakulangan o problema sa drainage, pagpasok at pag-apaw ng tubig sa mga kabahayan, at pagbabara sa mga daluyan ng tubig sa kahabaan ng national highway.
Ayon sa mga opisyal, hindi lamang mga residente ang direktang naaapektuhan ng pagbaha. Nagdudulot din ito ng problema sa mga motorista at maaaring makaapekto sa daloy ng trapiko sa pangunahing lansangan.
Bilang bahagi ng koordinasyon, ipinakilala naman ng DPWH sa LGU Bauang ang Oplan Kontra Baha o OKB, na naglalayong magbigay ng technical assistance, kagamitan at iba pang kinakailangang suporta sa mga lokal na pamahalaan para sa flood mitigation efforts.
Naglatag din ang LGU at DPWH ng mga rekomendasyon na maaaring gamiting batayan sa pagbuo ng mas konkreto at pangmatagalang flood-control interventions, partikular sa pagpapahusay ng drainage at pagbibigay ng mas maayos na daluyan ng tubig.
Target ng koordinasyon na hindi lamang tugunan ang pagbaha kapag nangyayari na ito, kundi matukoy at maresolba ang mga problemang nagiging sanhi ng paulit-ulit na pag-ipon at pag-apaw ng tubig sa mga kritikal na lugar sa Bauang. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







