ILANG LGU SA PANGASINAN, BINAWI ANG SUSPENSYON NG KLASE PARA SA TEACHERS’ DAY

Binawi ng ilang lokal na pamahalaan sa Pangasinan ang nauna nilang deklarasyon ng suspensyon ng klase ngayong Lunes, Oktubre 5, 2026, na inilabas sana bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Teachers’ Day at World Teachers’ Day.

Kabilang sa mga nagkansela o nag-revoke ng kanilang naunang kautusan ang mga bayan ng Manaoag, Pozorrubio, Mangaldan at Lingayen.

Sa Manaoag, kinansela ang Executive Order No. 91, Series of 2026. Ayon sa LGU, matapos ang karagdagang review at konsultasyon, kinilala nito ang pangangailangang sumunod sa umiiral na mga patakaran ng Department of Education hinggil sa school calendar at operasyon ng mga paaralan.

Dahil dito, tuloy ang klase sa Manaoag ngayong Oktubre 5. Humingi rin ng paumanhin ang lokal na pamahalaan sa mga guro, magulang, estudyante at school personnel dahil sa kalituhang idinulot ng naunang anunsyo.

Sa Pozorrubio, cancelled o revoked na rin ang Executive Order No. 64, Series of 2026. Sinabi ng LGU na hindi na ipatutupad ang naunang suspensyon ng klase matapos makatanggap ng paglilinaw mula sa proper authority at bilang pagsunod sa applicable DepEd policies at directives.

Kinansela rin sa Mangaldan ang Executive Order No. 071, Series of 2026, na unang nagdeklara ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan.

Samantala, revoked na rin sa Lingayen ang Executive Order No. 101, Series of 2026, na unang nagdeklara ng suspensyon sa lahat ng antas sa public schools.

Sa Aguilar naman, batay sa Executive Order No. 78, Series of 2026, suspendido ang klase sa lahat ng antas sa public at private schools ngayong Oktubre 5, maliban kung maglalabas ang LGU ng panibagong kautusan o paglilinaw.

Kaya paalala sa mga magulang, guro at mag-aaral: huwag lamang umasa sa mga naunang “Walang Pasok” posts. Tiyaking tingnan ang pinakahuling opisyal na advisory ng inyong LGU, paaralan at DepEd dahil maaaring magkaroon pa ng pagbabago. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments