Magiging limitado na ang kilos ng ilang mga residente sa 14 na barangay sa lungsod ng Pasay matapos na ideklara bilang mga ‘critical area’.
Ito’y matapos lumobo ang kumpirmadong bilang ng kaso ng COVID-19.
Ang mga barangay na idineklarang “critical areas” ay ang Barangay 14, 34, 37, 42, 46, 106, 144, 169, 171, 183, 184, 190, 193, at 201.
Sa datos ng Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, tinatayang nasa 10 hanggang 39 ang bilang ng kaso sa mga nasabing barangay.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, nagtalaga ng police checkpoints sa mga lugar upang matiyak na sumusunod ang mga residente sa health protocols at curfew hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Isang tao lamang ang papayagang lumabas sa bawat tahanan upang bumili ng pangangailangan kung saan inatasan ng Alkalde ang mga pulis na suriin ang quarantine pass ng mga indibidwal na maaaring lumabas pati na ang color coding nito.
Dagdag pa ni Mayor Emi, nakahanda na ang food packs para sa mga pamilyang maaapektuhan ng restriction at pagsapit ng July 22, 2020 ay magsusumite ang City Health Office ng assessment at rekomendasyon kung babawiin o palalawigin pa ang deklarasyon bilang mga critical area ang mga nabanggit na mga barangay.