
Ligtas nang nakabalik sa bansa ang 14 na Pilipinong marino matapos ang magkahiwalay na insidente ng pag-atake ng drone sa kanilang mga sinakyang barko.
Dumating sa NAIA Terminal 3 kagabi, September 15, ang walong seafarers mula sa M/T Hercules Star at anim na seafarers ng M/V Telerig sakay ng Emirates at Turkish Airlines.
Ayon sa ulat, tinamaan ng pinaniniwalaang drone ang M/T Hercules Star habang naka-angkla sa Port Rashid sa UAE na naging sanhi ng pagpasok ng tubig at pagtagilid nito kung saan isang Pinoy ang nasawi.
Samantala, ang M/V Telerig naman ay inatake habang naglalayag sa Black Sea noong August 20 na walang naitalang sugatan sa Filipino crew.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW), ipinagkaloob ang airport at welfare assistance, kabilang ang special financial assistance, psychosocial support, at pamasahe pauwi ng mga marino sa kanilang mga probinsya.
Patuloy na rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa pamilya ng nasawing marino.










