Thursday, September 17, 2026

Mayor Baste Duterte, hindi pwedeng tanggihan ang subpoena ng impeachment court

COURTESY: Bong Go/Facebook

Binigyang-diin ng House Prosecution Panel na hindi maaaring tumanggi o hindi sumunod si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa subpoena ng Senate impeachment court.

Sinabi ito ni House Private Prosecutor at Legal Spokesman Atty. Benjamin Jay Tolosa makaraang banggitin ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang pangalan ni Mayor Baste sa mga pinadalhan ng subpoena para humarap sa impeachment trial sa September 23.

Ito ay kaugnay sa presentation ng prosecution sa ikalawang article of impeachment na kinapapalooban ng alegasyon na may hindi maipaliwanag na yaman si Vice President Sara Duterte.

Diin ni Tolosa, ang pag-iisyu ng korte ng subpoena ay isang proseso na obligado si Mayor Baste na irespeto at sundin habang bahala na ang impeachment court na pagpasyahan kung kwalipikado itong maging expert witness o hostile witness ng prosekusyon.

Target na ungkatin kay Mayor Baste sa paglilitis ang impormasyon kaugnay sa kompanyang GenCorp Industries at iba pa na nakalista sa business interests sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Sara.

Batay sa mga lumalabas na impormasyon ay si Mayor Baste umano ang may-ari ng GenCorp at iba pang mga korporasyon habang stock holder naman si VP Duterte.

Facebook Comments