1,400 PH passport na ginawang loan collateral sa HK, kumpiskado; PCG, muling nagbabala

Narekober ng mga awtoridad sa Hong Kong ang 1,400 passport ng mga Pilipino mula sa isang illgal money lending firm, ayon sa Philippine Consulate General (PCG).

Pinakamarami ito sa mga naitalang bilang ng nakumpiskang pasaporte na iligal na ginagamit pang-garantiya sa mga pautang.

Iginiit ni Consul General Antonio Morales na ang gawaing ito ay labag sa Philippine Passport Act at mauuwi sa kanselasyon ng passport.


Noong 2018, nasa 422 pasaporte ang nakumpiska sa isang loan shark, habang 242 naman sa isa pang loan shark syndicate noong 2017.

Ani ng konsulado, paulit-ulit ang paalala sa mga Filipino community sa Hong Kong na huwag gamiting collateral sa kahit anong pautang ang mga pasaporte.

Hindi naman na mag-iissue pa ng panibagong pasaporte para sa mga mahuhuling uulit sa paglabag.

Hiningi na rin daw ng PCG ang tulong ng Hong Kong SAR Licensed Money Lenders Association Limited (LMLA) para masolusyunan ang illegal money lending activities kabilang ang paghingi ng pasaporte.

Naniniwala ang konsulado na mayroon pa ring loan sharks at illegal money lenders na patuloy sa gawain kaya hiling nito sa mga Pinoy, huwag nang suportahan ang ganitong aktibidad.

Facebook Comments