Cauayan City, Isabela- Magpapamahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng 15 ektaryang lupain sa bayan ng Lal-lo, Cagayan sa mga kwalipikadong fresh Agriculture graduates.
Ang mga unang kwalipikadong aplikante ay mabibigyan ng tig-isang (1) ektaryang lupa na matatagpuan sa bayan ng Lal-lo.
Ito’y matapos ianunsyo ng DAR na bibigyan ng mga lupang agrikultural ang mga kwalipikadong nagtapos ng apat-na-taong kurso sa agrikultura o may kaugnay na kurso sa nasabing larangan para sa kanilang pagpapalakas pang-ekonomiya at paglago ng bansa.
Ayon naman kay Agrarian Reform Secretary Brother John R. Castriciones, ang isang tao ay maaaring mabigyan ng lupang pang-agrikultura ng DAR mula sa mga hindi nagamit na lupain na pagmamay-ari ng pamahalaan at maging isang agrarian reform beneficiary sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Batay sa Administrative Order No. 3, Serye ng 2020, nagsasaad ito ng mga kinakailangang kondisyon upang maging kwalipikado gaya ng mga sumusunod:
Una, ang aplikante ay dapat nagtapos ng isang apat-na-taong kurso sa agrikultura, agriculture engineering, forestry, forest engineering, o mga kaugnay na kurso sa nasabing larangan ng agrikultura at sertipikado ng registrar kung saan nagtapos ng pag-aaral; pangalawa, ang aplikante ay walang lupa; pangatlo, ang aplikante ay residente ng munisipalidad kung saan matatagpuan ang pagmamay-ari ng lupa; pang-apat, may kahandaan at kakayahang linangin at gawing mabunga ang lupa; at panglima, ang aplikante ay walang nakabinbing aplikasyon sa harap ng DAR bilang isang beneficiary ng repormang agraryo at walang nakabinbing aplikasyon o hindi naging benepisyaryo sa ilalim ng DAR A.O. No. 03, Serye ng 1997.
Inaasahan na maipapamahagi ang lupa sa mga benipisyaryo sa ikalawang linggo ngayong buwan ng Enero.