15 Katao, Natukoy na ‘Close Contact’ ng COVID-19 Positive sa Angadanan, Isabela

*Cauayan City, Isabela- Nasa 15 katao ang natukoy na direktang nakasalamuha ng lalaking OFW mula Abu Dhabi na nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Angadanan, Isabela.*

*Ito ang ibinahaging impormasyon ni Mayor Joelle Mathea Panganiban sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya base na rin sa kanilang ginawang contact tracing na sinimulan kahapon.*

*Aniya, halos mga kamag-anak din ng pasyente ang mga nakasalamuha nito at tinutukoy na rin kung sino-sino naman ang mga posibleng nakahalubilo ng mga ito.*


*Nakatakda namang isailalim sa swab testing ngayong umaga ang 15 na close contact ng pasyente.*

Ayon pa sa alkalde, patuloy pa rin ang kanilang pagtukoy sa mga nakahalubilo ng kanyang kapamilya sa pakikipagtulungan na rin ng mga kapulisan at mga barangay officials.

Inamin naman ng alkalde na nagulantang din ang kanyang mga kababayan nang malaman ang impormasyon na may isang nagpositibo sa COVID-19.

Kaugnay nito, lalong inistriktuhan ang implimentasyon sa mga protocols upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.

Bagamat nasa ‘total lockdown’ ang barangay San Vicente ay hindi naman ipinatupad ang liqour ban sa bayan ng Angadanan.

Hiniling naman ni Mayor Panganiban sa kanyang mga kababayan na sumunod lamang sa mga protocols, manatili lamang sa loob ng tahanan kung walang mahalagang gagawin sa labas at makipagtulungan upang hindi na kumalat ang naturang sakit.

Samantala, mayroon namang 70 katao mula sa ibang lugar ang naka-quarantine sa mga quarantine facilities na kasalukuyang minomonitor sa kanilang bayan.

Facebook Comments