Mula sa dating 15 million, ibinaba na ngayon ng pamahalaan sa siyam na milyon ang kanilang target output sa Three-Day National Vaccination drive sa Lunes, November 29 hanggang December 1, 2021.
Ayon sa National Task Force Against COVID-19 at National Vaccination Operations Center, mula sa unang target na limang milyon ay bumaba na ngayon sa 3-million jabs ang ibabakuna kada araw sa pag-arangkada ng “Bayanihan Bakunahan”.
Ayon sa NTF at NVOC, ang kanilang hakbang ay matapos na konsultahin ang local chief executives ng mga probinsya, lungsod at munisipalidad, maging ang kanilang management resources at logistics team mula sa labing anim na rehiyon sa bansa.
Paliwanag nina NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. at Presidential Adviser for COVID-19 Response Secretary Vince Dizon, ang adjustment sa target jabs ay dahil sa kakulangan ng ancillary supplies, partikular sa syringes na gagamitin sa pagbabakuna at ibang logistical challenges.
Para naman maabot pa rin ang 54 million Pinoy na bakunado bago matapos ang taon, muling magsasagawa ang NTF at NVOC ng isa pang 3-Day National Vaccination sa Dec. 15 hanggang Dec. 17, 2021.