Inanunsyo ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Nicolas Torre ang pagsibak sa 17 police officers dahil sa kapabayaan sa tungkulin kaugnay na hit-and-run incident na ikinamatay ng tricycle driver na si Joel Laroa at pagkasugat ng pasahero nito.
Kabilang sa sinibak ay ang tatlong personnel mula sa Talipapa Police Station (PS 3), anim sa Anonas Police Station (PS 9) at walong personnel mula sa District Traffic Enforcement Unit (DTEU).
Sinasabing sangkot umano sa cover up ang mga sinibak dahil ang mga ito ay duty Officers of the Day (OD), Shift Patrol Supervisors (SPS) at Station Tactical Operation Center (STOC) ng iba’t ibang police units nang mangyari ang hit-and-run incident.
Inilipat ang mga ito sa District Personnel Holding and Accounting Section ng QCPD.
Magugunita na una na nang sinibak ang dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit na si PLt.Col. Julio Abong at tatlong iba pa na sina PLt.Col. Alexander Barredo; PCpl. Joan Vicente, na kasama ni Abong na sakay noon sa itim na Ford Ranger pick-up na may plakang NCG 8456, nang mabundol ang tricycle driver, at sa halip na saklolohan ay tinakasan pa.