Nanawagan ang grupo ng mga mangingisda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na igiit ang naipanalong South China Sea arbitration ng Pilipinas laban sa China.
Sa harap ito ng anila’y patuloy na pangha-harass ng China sa mga mangingisdang Pinoy sa South China Sea.
Ayon kay Fernando Hicap, presidente ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), bagsak na ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda halimbawa na lamang sa Zambales kung saan 70% na ng mga huling isda ang nawala dahil sa presensya ng mga barko ng China.
Napalilibutan din ng mga Chinese vessel maging ang lagoon sa Scarborough Shoal kaya hindi na ito masilungan ng mga Pilipinong mangingisda kapag masama ang panahon.
Sapilitan ding kinukuha ng mga Tsino ang huling isda ng mga Pinoy.
Panawagan din ni Hicap, hangga’t maaari ay araw-arawin ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy ang pagpapatrolya para panatag silang makapangisda sa Scarborough Shoal.