18 MASTER CASES NG PINAGHIHINALAANG ILEGAL NA SIGARILYO, NAREKOBER AT NAKUMPISKA SA KARAGATAN NG AGNO, PANGASINAN

Kabuuang 18 master cases ng pinaghihinalaang ilegal na sigarilyo ang narekober at isinuko sa mga awtoridad matapos ang magkakahiwalay na operasyon sa karagatang sakop ng Agno, Pangasinan.

Dalawang master cases ang mismong narekober ng mga tauhan ng Pangasinan Maritime Police Station (MARPSTA) sa isinagawang seaborne patrol noong Nobyembre 13, 2026, humigit-kumulang 16 na kilometro mula sa baybayin ng Barangay Boboy.

Pinangunahan ng Dasol Maritime Law Enforcement Team (MLET), katuwang ang Infanta at Anda MLETs.

May nakalagay na markang “PRESIDENT FILTER CIGARETTES” sa mga natagpuang kahon.
Samantala, 16 na master cases pa ng hinihinalang ilegal na sigarilyo ang naunang isinuko ng mga concerned fisherfolk sa Agno Municipal Police Station (MPS).

Noong Nobyembre 14, isinagawa ang imbentaryo at dokumentasyon sa kabuuang 18 master cases sa Agno MPS, sa koordinasyon ng mga tauhan ng Dasol, Anda at Infanta MLETs, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG).

Matapos ang proseso, pormal na itinurn-over sa Pangasinan MARPSTA ang lahat ng 18 master cases para sa wastong kustodiya at kaukulang disposisyon.

Binigyang diin naman ng hanay ang mahalagang koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang yunit ng kapulisan at kumunidad upang mapanatili ang seguridad sa karagatan ng lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments