Cauayan City, Isabela – Tuluyan nang tinalikuran ng labingwalong (18) mga miyembro ng Militia ng Bayan (MB) at Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) ng CPP-NPA-NDF ang pagsuporta sa mga teroristang grupo sa Sitio Lagum, Barangay Lipatan, Sto. Niño, Cagayan noong ika-30 ng Setyembre taong kasalukuyan.
Ito ay dahil sa maigting na implementasyon ng Community Support Program (CSP) ng mga sundalo sa kanilang lugar kung saan nabigyang linaw ang mga naturang MBs maging ang iba pang mga residente sa panloloko, panlilinlang at pagsasamantala na ginagawa ng mga makakaliwang grupo upang makapanghikayat na umanib sa kanilang grupo.
Nagsagawa naman ng indignation rally ang mga residente sa lugar bilang simbolo ng pagbabalik-loob ng mga naturang MB’s.
Sinunog ang mga bandila ng CPP/NPA/NDF, nanumpa ng katapatan sa bansa at nagkaroon ng pagpupulong sa mga nasabing kasapi ng MB at SPL.
Ayon kay Kagawad Gilmar Infante, residente sa naturang Sitio, isa sa mga nagbalik-loob, hindi umano nila hahayaang magaya pa sa kanila ang kanilang mga anak na nalinlang ng mga teroristang grupo na kung saan, sila ay ginamit lamang para sa pansariling interes ng mga miyembro ng makakaliwang grupo.
Lubos naman ang naging pasasalamat ni Lt Col Angelo Saguiguit, Battalion Commander, 17IB sa mga nagbalik loob sa pamahalaan at sa suporta na kanilang ibinibigay sa hanay ng kasundaluhan.
Aniya, ang nangyaring pagsuko ng mga miymebro ng MB at SPL ay manipestasyon ng matagumpay na implementasyon ng CSP sa ilalim ng Executive Order #70 o Ending Local Communist Armed Conflict.
Ang Sitio Lagum sa bayan ng Sto. Nino, Cagayan ay isang liblib na lugar na kung saan nasa apat na dekada nang pinamumugaran ng mga rebeldeng grupo na unti-unti naman ng nalilinis ng kasundaluhan katuwang ang hanay ng pulisya at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.