Thursday, March 5, 2026

18 nagpakilalang ex-marines, pinasusumite ng Ombudsman ng kaniya-kaniyang affidavit

Hiningan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ng magkakahiwalay na affidavits ang 18 nagpakilalang dating sundalo na nag-deliver umano ng pera sa mga opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Remulla, dapat may kaniya-kaniyang affidavit ang 18 lalo’t itinuturing itong nakabatay sa personal na kaalaman.

Sa isang pulong balitaan noong nakaraang linggo, sinabi ng mga “ex-marines” na naghatid umano sila ng male-maletang pera sa ilang opisyal at kinuha rin daw sila bilang security escort ng mga taga International Criminal Court (ICC) habang nasa Pilipinas.

Kinumpirma naman ni Remulla na nakipag-usap siya sa mga tauhan ng ICC noong kalihim pa sya ng DOJ.

Naniniwala rin si Remulla na posibleng pulitika ang dahilan ng paglutang ng mga ito bagama’t tumanggi siyang tukuyin kung sino ang nasa likod nila.

Una nang sinabi ng Justice Department na walang umiiral na batas sa kasalukuyan na nagbabawal sa pakikipagtulungan ng Pilipinas sa ICC at iba pang international agencies.

Facebook Comments