19.7MW na Hydro Power Project sa San Miguel, Echague, Isabela – Inilunsad!

*Ilagan City, Cagayan* – Napirmahan kaninang umaga sa kapitolyo ng Isabela ang isang Memorandum of Agreement o kasunduan upang itayo ang isang 19.7MW na planta ng kuryente sa San Miguel, Echague, Isabela.

Ang naturang proyekto ay isang Hydro Power Plant na kung saan ay kasama sa proyekto ay ang pagpapagawa ng mahigit 26 kilometrong kalsada sa bayan ng Echague.

Sa ginawang pagtutok ng RMN Cauayan kasama ang ibang kasapi ng media sa Rehiyon ay nasaksihan ang ginawang pirmahan ng MOA sa pagitan ng pamahalaang lokal ng San Miguel sa bayan ng Echague, ang Lalawigan ng Isabela at ng Rio Grande Hydro Power Corporation ng Citicore Power Incorporated.


Sa ginawang ugnayan ng kumpanyang Rio Grande at ni Mayor Francis Kiko Dy ng Echague sa local na media pagkatapos ng pagkakapirma ng MOA ay sinabi ni Engineer Maximo Anton Jr, ang project engineer ng naturang proyekto na ang nasabing planta ay malaki ang tulong sa kalikasan, empleyo at ekonomiya ng Echague.

Kanya ring sinabi na ang kanilang mapapaluwal na kuryente ay maituturing na green energy dahil walang carbon emission na mangyayari kumpara sa mga oil o coal fired power plants.

Umaasa din siya sa magiging suporta ng mga mamamayan sa naturang proyekto dahil kabutihan naman ang maitutulong nito sa lokalidad.

Kampante din sila na hindi magiging problema ang itatayong planta sa likod ng problemang idudulot ng insurhensiya sa lugar dahil ang planta ay para naman sa mamamayan.

Ang proyekto ay halos dalawang taon na pinag-aralan at inaasahang matatapos ito sa Disyembre 2021.

Facebook Comments