Cauayan City, Isabela- Nasakote ng mga otoridad ang 19 na Chinese National at kasamang mga Pinoy matapos magpresenta ng pekeng resulta ng RT-PCR test sa quarantine checkpoint dakong alas-11:00 ng umaga noong June 24, 2021 sa Brgy. Osmeña, City of Ilagan, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng PNP City of Ilagan, lulan ng tatlong sasakyan ang grupo ng mga Chinese national galing sa Maynila na kukuha ng Driver’s license sa Land Transportation Office-Ilagan City branch subalit peke ang mga ipinakitang dokumento.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na ang ilang certificates na kanilang hawak ay napag-alamang tampered ng maberepika ito sa mga health authorities.
Ayon pa sa PNP, hindi umano ito ang unang pagkakataon na kukuha ng lisensya ang grupo kung kaya’t paiimbestigahan kung paano nakalusot ang ganitong galaw ng mga suspek.
Mahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 11332 at Article 175 ang mga suspek dahil sa pamemeke ng mga dokumento.