ARTA, handang makipag-usap sa Ombudsman upang linawin ang mungkahing pagpapabuwag sa anti-red tape body

Nakahanda ang Anti-Red Tape Authority o ARTA na makipagdiyalogo sa Office of the Ombudsman para maiwasan ang sapawan sa pagtupad ng kani-kanilang tungkulin.

Kasunod ito ng ipinahayag ni Ombudsman Samuel Martires na dapat nang buwagin ang ARTA dahil nagdodoble lang ang ginagawa nito sa mandato ng anti-graft body.

Sa isang pahayag, iginiit ng ARTA na wala itong intensyon na panghimasukan ang investigative function ng Ombudsman.


Binigyang diin ng ARTA na malaki ang pagrespeto nito sa anti-graft body at wala itong intensyong sapawan ang mandato nito.

Giit ng ARTA, ang mandato nito ay mapabilis ang pag-access ng publiko sa mga serbisyo ng mga sangay ng gobyerno at gawing mapagkumpitensya ang sinumang gustong pumasok sa pagnenegosyo sa bansa.

Sa katunayan, malaki ang maitutulong ng ARTA sa pagrerekomenda sa Office of the Ombudsman at sa Civil Service Commission ng pagsasampa ng kaso laban sa mga matiwaling opisyal ng gobyerno.

Facebook Comments